2 PNP team bakbakan sa NAIA, naawat

December 3, 2022 by No Comments

Napigilan ang bakbakan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 Departure Area nang magpang-abot ang mga armadong tauhan ng Philippine National Police (PNP) Aviation Security Group at Airport Police sa palibot ng papaalis na mga pasahero at mga manggagawa sa paliparan.

Ito ay matapos na mamagitan ang mga matataas na opisyal mula sa magkabilang panig at inutusan ang kanilang mga tauhan na tumayo at iwasang humawak o maglabas ng kanilang mga baril.

Ang insidente ay naganap alas-11:48 ng umaga, noong Huwebes, December 1, sa departure lobby exit.

Hinarang ng isang pribadong security guard na namamahala sa exit area ang unipormadong opisyal ng PNP na makapasok sa NAIA Terminal 1 sa pamamagitan ng exit area.

Hiniling ng guwardiya sa mga unipormadong opisyal ng PNP na gamitin ang departure entrance area sa halip na pumasok sa terminal sa pamamagitan ng exit door.

Sinabi rin ng isang source na ilan sa mga unipormadong tauhan ng PNP ay walang suot na airport access pass nang lapitan sila ng pribadong security guard ng Manila International Airport Authority.

Binatukan naman umano ng isang mataas na opisyal ng PNP ang guwardiya bilang tugon sa pagpapahinto sa kanila sa exit area.

Isang malapit na senior airport police ang rumesponde pero tinamaan din umano sa kanyang dibdib.

Agad namang rumesponde sa insidente ang iba pang opisyal ng airport police sa kalapit na istasyon sa departure area ng NAIA Terminal 1 kaya naawat ang tensyon.

“There is already an ongoing investigation about the incident… there should be no animosity between the two groups who are tasked to secure our airport and protect the lives of our passengers,” pahayag ni airport General Manager Cesar Chiong sa panayam ng ABS-CBN News kahapon.

Inamin naman umano ng PNP official ang pagkakamali at pinayuhan na magsumbong kay Chiong Sabado ng umaga. Gayunman, wala pang impormasyon kung ano na ang nangyari sa kanilang pagpupulong. (Betchai Julian)

The post 2 PNP team bakbakan sa NAIA, naawat first appeared on Abante Tonite.