2 totoy niratrat ng tandem

December 21, 2022 by No Comments

Malubhang nasugatan ang magkaibigang totoy nang pagbababrilin ng dalawang ‘di kilalang lalaki na magkaangkas sa motorsiklo sa Quezon City, Lunes ng gabi.

Ang mga biktima ay nakilalang sina Jay-R Tabirao Tindugan, 17, estudyante, at Harold Pitulan Garrido, 14, Grade 9, kapwa nakatira sa Area B, Talanay Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District – Batasan Police Station 6, bandang alas-11:30 ng gabi (December 19), nang maganap ang insidente sa kalye sa De Gloria Ext., Area B, Talanay Brgy. Batasan Hills, sa lungsod.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Riva M Cataluña ng Women and Children Protection Desk, ng PS 6, nakaupo ang mga biktima sa bangketa sa lugar nang dumaan ang dalawang di kilalang lalaki na kapwa nakasuot ng itim na jacket at magkaangkas sa motorsiklo at biglang pinagbabaril ang dalawang biktima.

Agad na tumakas ang mga suspek habang isinugod naman ang dalawa sa pinakamalapit na ospital kung saan ay patuloy pa silang inoobserbahan.

Masusi pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa motibo sa pamamaril at kung sino ang mga tumakas na salarin. (Dolly Cabreza)

The post 2 totoy niratrat ng tandem first appeared on Abante Tonite.