2GO Travel sablay: PPA 24/7 operasyon sa Manila, Batangas

December 15, 2022 by No Comments

Nilinaw ng Philippine Ports Authority (PPA) na walang `port closure’ sa mga pantalan ng Maynila at Batangas ngayong Pasko at Bagong Taon.

Ipinahayag ito ng PPA matapos ang maling anunsyo ng 2GO Travel sa kanilang website tungkol sa `port closure’ diumano ngayong peak season.

Ayon kay PPA general manager Jay Santiago, tuloy ang 24/7 na operasyon sa mga pantalan at walang naiulat na pagsasara ng anumang pantalan ng PPA sa buong bansa.

“Mali po ang inilabas ng 2GO Travel, walang pantalan na magsasara lalo’t ngayong pinaka-kailangan tayo ng mga taong uuwi sa kani-kanilang probinsya. Makakaasa po ang ating mga kababayan sa serbisyo ng PPA ngayong peak season, tuloy-tuloy po ang operasyon sa pantalan,” giit ni Santiago.

Naka-deploy na rin aniya ang PPA port police sa mga pantalan at nakahanda na ang mga empleyadong naka-duty sa PPA Malasakit Help Desk para maasikaso ang mga uuwi ngayong kapaskuhan.

Nauna rito, nitong nakaraang linggo naglabas ng memorandum si Santiago ukol sa `no leave policy’ para sa 24/7 na operasyon ng PPA ngayong Pasko at Bagong Taon.

The post 2GO Travel sablay: PPA 24/7 operasyon sa Manila, Batangas first appeared on Abante Tonite.