3 paslit nasagip sa kidnaper

December 15, 2022 by No Comments

Nasagip ang tatlong bata mula sa isang binata na nagtangka umanong dumukot sa kanila sa Quezon City, Martes ng hapon.

Ang suspek ay nakilalang si Prince Tamayo Bulawan, 26, binata, nakatira sa No. 129 C. Antique St., Ramon Magsaysay, Bago Bantay Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD) Talipapa Police Station 3, alas-2:45 ng hapon (December 13), nang maaresto ang suspek sa San Beda Libis, Brgy. Bahay Toro.

Sa imbestigasyon ni PCpl Kimmy Talang, ang tatlong batang mga biktima na nasa edad 9,12 at 13, ay inalok muna ng pagkain ng suspek saka pumara ng taxi sa Congressional Ave., ngunit tumanggi silang isakay ng driver.

Habang naglalakad si Bulawan kasama ang tatlong biktima sa Visayas Ave., Brgy. Tandang Sora at nag-aabang ng masasakyan ay nagkataong naispatan sila ng nagpapatrulyang mga awtoridad at kinutuban sa kahina-hinalang kilos ng suspek.

Nang sitahin ng mga awtoridad ang suspek ay doon lamang nalaman na hindi ito kilala ng mga bitbit dahilan upang siya ay arestuhin.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong kidnapping laban dito. (Dolly Cabreza)

The post 3 paslit nasagip sa kidnaper first appeared on Abante Tonite.