Anak inaway ni erpat, bumulusok sa kamatayan

November 14, 2022 by No Comments

Nabuwisit diumano dahil sa ingay ng tahol ng alagang aso, inaway ng ama ang kanyang anak na nagresulta sa pagkakahulog at pagkamatay ng huli sa Bacoor City, Cavite Linggo ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Remcar Citra y Bayrante, ng Hicban Compound, Molino 6, Bacoor City habang ang suspek ang kanyang sariling ama na si Dante Citra y Estopace.

Hindi naman binanggit sa sketchy report ng pulisya kung ilang taon na ang biktima.

Sa ulat, dakong alas-11:50 kamakalawa ng gabi nang mangyari ang insidente sa bahay ng pamilya Citra kung saan nagkaroon ng pagtatalo ang mag-ama dahil sa tahol ng aso na alaga ng biktima.

Nauwi ang pagtatalo sa kanilang pag-aaway na humantong umano sa pagkakahulog ng biktima.

Matapos ang insidente, imbes na saklolohan ng ama ang kanyang anak ay iniwan umano ito at tumakas. Nadiskubre ng ina ng biktima ang pangyayari nang dumating ito at nakitang wala nang buhay ang anak. (Gene Adsuara)

The post Anak inaway ni erpat, bumulusok sa kamatayan first appeared on Abante Tonite.