Jaycee Carlos Marcelino MVP, Zamboanga humirit ng Game 4

December 9, 2022 by No Comments

Pinaglaruan nang hinirang na Conference Most Valuable Player na si Jaycee Carlos Marcelino ang krusyal na triple-double sa likod ng 10 rebounds, tig-9 na points at assists upang pasinghapin pa ang Zamboanga sa 75-65 paghakbang kontra Nueva Ecija.

Sa Game 3 ito ng OKBet 4th Maharlika Pilipinas Basketball League 2022 Xtreme Naitonal Finals Biyernes ng gabi sa dehins mahulugang karayom na Vitaliano Agan Coliseum sa Zamboanga City.

Ibinigay ni MPBL Commissioner Kenneth Duremdes ang MVP trophy sa 27-anyos, 5’9” ang taas na point guard bago ang jumpball kasama ang isang Suzuki Avenis na kaloob ni Suzuki Mindanao Regional Manager Joel Martin.

Ang kakambal niyang si Jayvee Carlos Marcelino ang aktuwal na nanguna sa opensa ng Family’s Brand Sardines sa pinukol na 22 markers, 7 boards at 3 feeds sa paglapit ng Zamboangueños sa 1-2 deficit.

May tsansa pa ring tapusin ng Rice Vanguards ang serye sa Game 4 sa Lunes ng alas-6:30 ng gabi.

(Ramil Cruz)

The post Jaycee Carlos Marcelino MVP, Zamboanga humirit ng Game 4 first appeared on Abante Tonite.