Kotse sinuwag ng trak, lola nagulungan

November 27, 2022 by No Comments

PATAY ang isang lola matapos suwagin ang kanilang kotse ng mixer truck na nakaparada sa gilid ng kalsada sa bahagi ng Alver Street, Poblacion, sa bayan ng Lingayen, Pangasinan kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Lingayen Police Station (LPS) deputy chief-of-police P/Maj Herolito DV Teria, ang biktima na si Guillerma Pidloan Muñez, 50, ng Basista, Pangasinan.

Sa inisyal na report, ayon kay Teria, naganap ang insidente bandang alas-2:46 ng hapon habang ang biktima kasama ang kanyang 9-anyos na apo ay nasa loob ng kanilang sasakyan na Nissan Terra Sedan.

Ayon sa LPS traffic bureau, habang nakaparada ang sasakyan ng biktima, bigla umanong nawalan ng preno ang isang truck mixer na minamaneho ni Melicio Elefanio Delos Santos, 45, ng Barangay Pangpang, San Carlos City, ng nasabing lalawigan at sinuwag ang kotse.

Dahil sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang maglola palabas ng kanilang sasakyan at sa kasawiang palad, nagulungan si Muñez sa katawan na siyang ikinamatay nito habang ligtas naman ang bata.

Samantala, tumakas si Delos Santos pagkatapos ang insidente at iniwan ang kanyang pahinante.

Sa kasalukuyan, nagsasagawa na ng manhunt operation ang pulisya para sa agarang pagkakadakip sa driver ng trak. (Allan Bergonia)

The post Kotse sinuwag ng trak, lola nagulungan first appeared on Abante Tonite.