Mga GSIS, SSS member nganga sa Maharlika Fund

December 4, 2022 by No Comments

Walang magiging pakinabang ang mga miyembro ng Social Security System (SSS) at Government Service Insurance System (GSIS) sa anumang kikitain ng panukalang Maharlika Wealth Fund (MWF), ayon kay ACT Teachers party-list Rep. France Castro.

Sinabi ni Castro na sa pagbusisi niya sa House Bill No. 6398 na siyang lilikha sa MWF, walang nakasaad dito kung ano ang magiging pakinabang ng mga miyembro ng GSIS at SSS sa pagpapagamit ng kanilang pondo.

“Wala namang nakalagay sa panukalang batas ano ang pakinabang ng tao rito lalong lalo na yung GSIS members at saka SSS,” pahayag ni Castro sa panayam ng DZBB nitong Linggo.

Ayon kay Castro, mismong si dating Supreme Court (SC) Associate Justice Antonio Carpio na ang nagsabing labag sa Konstitusyon ang paghugot ng pondo ng GSIS at SSS kung hindi naman makikinabang dito ang mga miyembro.

Isa pang ikinababahala ni Castro ay hindi maaaring kasuhan ang mga mangangasiwa sa MWF, batay na rin aniya sa nilalaman ng panukalang batas.

“`Yun ang nakakatakot. Ang dami nilang in-exempt na siya talagang magpo-provide ng accountability and transparency. Tapos wala pa sa panukalang batas `yung penal provision,” ani Castro.

“Kapag nalustay, na-mismanage ang pondo ito, may pananagutan ba `yung president ng Philippines bilang chairman? May pananagutan ba `yung president ng SSS, GSIS, DBP at Land Bank at mga private sector na magiging board member?” tanong pa ni Castro.

Sa ilalim ng HB 6398, huhugutin ang pondo ng MWF sa mga government financial institution, kasama na ang GSIS na maglalagak ng P125 bilyon at SSS na maglalaan ng P50 bilyon.

The post Mga GSIS, SSS member nganga sa Maharlika Fund first appeared on Abante Tonite.