Mga lingkod bayan dapat mapagmahal sa Diyos at bayan – Nograles

December 3, 2022 by No Comments

HINIMOK ng tagapangulo ng Civil Service Commission (CSC) na si Chairperson Karlo Alexei B. Nograles ang kanyang mga kapwa public servant na bigyang pagpapahalaga at tularan ang ibinahagi na pagmamahal sa Diyos at bayan ni Gat. Andres Bonifacio.

Ginawa ng CSC head ang pahayag kasabay kasabay ng paggunita sa kapanganakan ng tinagurang “Ama ng Himagsikang Pilipino”,ang “Supremo” o pinuno ng Katipunan na si Bonifacio kamakailan.

“Sa natatanging okasyon na ito, hinihimok ko ang lahat ng lingkod bayan na sariwain ang mga aral ng pakikibaka ng ating mga bayani tungo sa kalayaan. Bagama’t ang pagsisilbi sa bayan sa makabagong panahon ay may kalakip na ibang uri ng mga hamon at kaaway,” ang bungad na pahayag ni Nograles.

“Tinatawagan tayo na tularan ang mga pagpapahalaga na ibinahagi sa atin ni Bonifacio – ang pagmamahal sa Diyos at bayan, katapangan, maayos na pamumuno, at determinasyon upang malagpasan ang mga hamon ng buhay,” dugtong ni Nograles.

Umaasa ang CSC chairperson na ang pamana ni Bonifacio ay magpatuloy sa puso’t isipan ng bawat isa, lalo na sa hanay ng mga opisyal at kawani ng pamahalaan habang pinaglilingkuran nila ang mga kapwa Pilipino nang may buong husay, katapatan at dedikasyon.

“Magkaisa tayo tungo sa pagkamit ng ating iisang adhikain na mas masagana at mas inklusibong kinabukasan. Hangad ko ang isang makabuluhang paggunita ng Bonifacio Day para sa lahat,” mariing sabi pa ni Nograles.

The post Mga lingkod bayan dapat mapagmahal sa Diyos at bayan – Nograles first appeared on Abante Tonite.