Noel, Liza ‘nabulabog’ ang buhay pamilya; umabot 35M views ang trailer ng MMFF entry

December 11, 2022 by No Comments

Hatid ng gumawa ng Metro Manila Film Festival box-office hit na “Miracle in Cell No. 7,”ang isa pang pelikulang kukurot sa puso, magbibigay ng inspirasyon at saya sa buong pamilya.

Sina director Nuel Naval at writer Mel Mendoza-del Rosario ay nagtambal muli para sa light family drama na “Family Matters,” isang produksiyon ng Cineko Productions. Tampok sa pelikula ang bigating all-star cast na binubuo nina Noel Trinidad, Liza Lorena, Nonie Buencamino, Agot Isidro, Mylene Dizon, James Blanco, Nikki Valdez, JC Santos, Ana Luna, Ina Feleo, Ketchup Eusebio, Roxanne Guinoo, at introducing, Ian Pangilinan.

Ang “Family Matters” ay official entry sa 2022 Metro Manila Film Festival na magbubukas sa mga sinehan sa ika-25 ng Disyembre.

Ang kuwento ay tungkol sa mag-asawang may edad na sina Francisco at Eleanor, at ang kanilang mga anak: ang successful na panganay na si Kiko; ang homemaker na si Fortune, ang single pa rin na si Ellen, at ang happy-go-lucky na si Enrico. Nabulabog ang kanilang buhay nang magdesisyon si Ellen (na nag-aalaga sa kanyang mga magulang) na magtungo sa US para subukang hanapin ang kanyang pag-ibig doon. Mababahala ang mga magkakapatid sa pag-alis ni Ellen at maghahali-halili sila sa pag-aalaga sa kanilang mga magulang, lalo na sa sakiting si Francisco.

Dahil sa mensahe ng pelikula, inapruban agad nina Mayor Enrico Roque at ng mga executive ng Cineko ang pitch nina Mel at Direk Nuel. Sakto sa panlasa ng Cineko ang family-oriented movie. “Family drama ang kanilang hinahanap dahil matagal nang walang nagpo-produce ng ganito,” paliwanag ni Mel. “Nang mabasa ang script, nagustuhan agad. Halos walang comment. Binigyan kami ni Nuel ng kalayaan sa pagpili ng mga artista at sa paggawa ng pelikula.”

Matagal nang naisulat ni Mel ang “Family Matters.” Taong 2018 nang nagsimula siya at si Direk Nuel na maghanap ng producer, hanggang napunta ang script sa CineKo nitong 2022. “Para sa akin, ito ang tamang panahon para sa ‘Family Matters,’” sabi ni Direk Nuel. “Dahil sa pandemic, na-realize natin na napakaikli ng buhay. Kaya’t dapat sulitin ang mga araw na kasama ang pamilya at mga mahal sa buhay. Bigyang halaga ang ating mga mahal sa buhay hindi bukas… kundi ngayon,” pagdiin ni Direk Nuel.

Marami ngang nag-aabang sa pelikulang ito. Sa loob lamang ng iilang araw, nakakuha ang trailer ng “Family Matters” na ng 35-million+ views sa iba’t-ibang platforms.

Ayon kina Mel at Direk Nuel, maski ano pa man ang edad, kasarian, o social status, makaka-relate ang bawa’t isa sa atin sa mga karakter sa pelikula. “Maraming light and funny moments… Totoong nangyayari sa pamilya. Ito ang ang kuwento ng bawat pamilyang Pilipino.”

The post Noel, Liza ‘nabulabog’ ang buhay pamilya; umabot 35M views ang trailer ng MMFF entry first appeared on Abante Tonite.