Tulfo tinalupan sabwatan ng mga DENR exec, illegal miner

November 16, 2022 by No Comments

Hiniling ni Senador Raffy Tulfo sa liderato ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Secretary Ma. Antonia `Toni’ Yulo-Loyzaga na imbestigahan at magsagawa ng lifestyle check laban sa ilang opisyal ng ahensiya.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang budget ng DENR sa 2023 na ginanap nitong Miyerkoles, sinabi ni Tulfo na may pruweba siya laban sa ilang tiwaling opisyal ng ahensiya na kasabwat diumano ng mga illegal miner.

“Marami po dyan mga usec (undersecretary) na panahon pa ng dinosaur nandyan na po sa puwesto. Puwede ho ba pakiimbestigahan `yang mga usec na `yan at sa tinagal-tagal nila ay mukhang nagkakaroon na sila ng dementia, hindi na po nila nagagawa `yung tamang trabaho nila,” sabi ni Tulfo.

“Maybe it’s about time na ma-assess n’yo kung sino-sino `yang mga usec na `yan na pagkatagal-tagal ng panahon nandyan pa rin. Siguro it’s about time na i-reassess n’yo po `yung mga position dyan sa DENR,” dagdag pa ng senador.

Iginiit naman ng DENR chief na bumuo na sila ng team na may parehong pananaw, integridad at pangako sa misyon ng ahensya.

Subalit hindi nakumbinsi si Tulfo sa sagot ng kalihim.

“I’m not gonna mention names, I have with me proof to show you na marami kang mga tiwaling tauhan dyan sa loob ng DENR,” lahad ni Tulfo.

“Kailangan po siguro gumawa kayo ng lifestyle check tungkol sa mga buhay-buhay nila, kung sino sila,” diin pa ng senador.

“Marami po sa inyo dyan sa mga tauhan ninyo ay nakikipagsabwatan po sa mga illegal miners. Alam nyo po ba yan? Don’t tell me na hindi n’yo po alam? Don’t tell me hindi nakakarating sa inyo ang ganung klaseng impormasyon? Marami po dyan,” ayon pa kay Tulfo. (Dindo Matining)

The post Tulfo tinalupan sabwatan ng mga DENR exec, illegal miner first appeared on Abante Tonite.