P42M marijuana nasamsam

December 27, 2022 by No Comments

MAHIGIT P42 milyong halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana na 358 kilo ang timbang ang nakumpiska ng mga otoridad sa Barangay Silay, Poblacion, Tinglayan, Kalinga kamakalawa.

Sa report, ayon kay Kalinga Police Provincial Office (KPPO) spokesperson P/Capt. Raffy Manganip, ang nakumpiskang mga marijuana kasama ang mga tangkay nito ay nagkakahalagang P42,920 milyon.

Ayon kay Manganip, ito ay resulta ng Kasimbayanan program ng KPPO kung saan nakikipagtulungan ang simbahan at mamamayan sa kanilang kampanya laban sa iligal na droga.

Sa imbestigasyon, ayon sa pulisya, may mga tao umanong nagbababa ng mga saku-sakong hinihinalang dahon ng marijuana na kanilang tinugunan.

Sinabi ng pulisya na nagbantay sila mula alas-4:00 ng madaling araw hanggang alas-8:30 ng umaga at nakita nila ang siyam na sako ng pinatuyong dahon at tangkay ng marijuana.

Napag-alaman na aabot 4-oras hanggang 8-oras ang pinakamalayong lalakarin ng sinumang magbababa ng mga dahon ng marijuana mula sa mga bundok na pinagtatamnan ng naturang iligal na droga. (Allan Bergonia)

The post P42M marijuana nasamsam first appeared on Abante Tonite.