3 paslit naputukan ng kwitis

December 23, 2022 by No Comments

Tatlong bata ang sugatan nang maputukan ng pinaglalaruang kwitis sa Iriga City, Camarines Sur.

Sa ulat, nangyari ito noong Huwebes.

Sinasabing ang isang 7-anyos ay nasugatan sa kamay kung saan kinailangan pa itong tahiin.

Ayon sa kanyang nanay, nakuha ng bata ang kwitis na nakasabit sa puno ng saging.

Kwento ng bata, sinindihan nila ito pero hindi pumutok. Nang baligtarin ang kwitis ay saka ito sumabog.

Kasama ng bata ang kanyang mga pinsan nang mangyari ang aksidente.

Nagkasugat naman sa mata at nasunog ang bahagi ng buhok ng 7-anyos nitong pinsan habang nasugatan sa mukha at braso ang isa pang 9-taong gulang na pinsan.

Ayon sa Department of Health (DOH), nasa 188 na ang ang naitalang fireworks-related injuries nitong 2022. Sa nasabing bilang 45 dito ay dahil sa kwitis. (Catherine Reyes)

The post 3 paslit naputukan ng kwitis first appeared on Abante Tonite.