4 kinidnap, nakatakas sa traffic

November 30, 2022 by No Comments

Isa sa anim na kidnapper ang naaresto matapos na matrapik dahilan upang makatakas din ang apat na dinukot na biktima sa Quezon City, Lunes ng hapon.

Ang suspek na nadakip ay si Jose Patungan Rea, 42, ng Upper Bicutan, Taguig City. Pinaghahanap pa ang kasabwat niyang sina Pitoy Vinluan, ng Pangasinan, alyas Arjhay at dalawa pa, at ang sinasabing mastermind na si Julian Paningbatan, na nakapiit umano sa Camp Bagong Diwa, sa Taguig City.

Kinilala ang biktima na sina Jay Quinones, 37; Angelica Nibungo, 25; Dexter Timbas, 36, at Mario Esio, 52, pawang residente ng Caloocan City.

Sa report ng Talipapa Police Station ng Quezon City Police District, alas-12: 05 ng tanghali nang maganap ang insidente sa Juliana market LRT Balintawak Station sa Edsa, North Bound, Brgy. Unang Sigaw.

Sa inisyal na imbestigasyon ni Pat Noel Noa D Pitarde, bago ang insidente, alas-3:30 ng madaling araw, nagtungo ang mga biktima sa Zone 7, Brgy Lit-Lit-, Silang Cavite, sakay ng Mitsubishi Montero Sport blue (NEI-8926) na pag-aari ni Quinones at minaneho ni Esio, upang i-check ang isinasanla umanong lupa ni Paningbatan.
Pagdating sa lugar ay sinalubong sila ng mga suspek, pero nang makatunog si Quinones ay nagpasya na silang umalis subalit bigla silang tinutukan ng baril at nilimas ang dala nilang pera at kagamitan, piniringan at isinakay sa dala nilang Montero.

Narinig umano ng mga bihag mula sa waze na inikot sila sa Batangas, Laguna, Antipolo, Taytay Rizal, kung saan bumaba ang tatlo sa mga suspek at naiwang kasama nila si Rea, at ang ‘di pa nakilalang driver nito hanggang sa makarating sila sa QC.

Hiniritan umano si Quinones ni Rea ng P2M ransom kada ulo pero nang matunugan ng mga biktima na nakahinto ang sinasakyan dahil trapik ay nanlaban na sila at nakalabas sa Montero.

Pinagtulungan ding bugbugin ng mga saksi si Rea habang nakatakas ang driver.

Inihahanda na ang kaso laban kay Rea habang patuloy na tinutugis ang kanyang mga kasabwat. (Dolly Cabreza)

The post 4 kinidnap, nakatakas sa traffic first appeared on Abante Tonite.