40-taon kulong sa gagamit ng bata sa porno

November 18, 2022 by No Comments

Mahaharap sa 40-taon pagkakakulong ang sinumang gagamit sa mga bata sa paggawa ng pornographic materials kung maisasabatas ang panukalang inihain sa Kamara.

Sa ilalim ng House Bill 226 na inakda ni Bataan Rep. Geraldine Roman, aamyendahan ang Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation and Discrimination (RA 7610) upang maging 30 hanggang 40 taon na pagkakakulong ang parusa sa mga gagamit ng mga batang wala pang 12-anyos sa paggawa ng mga malalaswang babasahin o panoorin.

Kung 12-anyos pataas ang bata, ang parusa ay mula 14 hanggang 17 taong pagkakakulong. Habang kung magulang o guardian ng bata ang nagpagawa ng malaswang gawain ang parusa ay 17 hanggang 20 taong pagkakakulong.

Sa kasalukuyan, anim hanggang 12 taon lamang ang pagkakabilanggong parusa sa ilalim ng RA 7610.

“It is the responsibility of the government to provide mechanisms by which the youth of this country are protected against unscrupulous individuals and ungodly practices,” sabi ni Roman sa explanatory note ng panukala.

Kaugnay nito, ang mga gagamit ng bata sa pamamalimos o sa pagbebenta ng ilegal na droga ay papatawan ng 12 hanggang 30 taong pagkakakulong habang ang mga kukuha ng batang empleyado sa mga mapanganib na lugar ay puwedeng makulong ng 12 hanggang 20 taon at multang P200,000 hanggang P1 milyon.

Paparusahan naman ng anim na taong pagkakabilanggo at o multang P100,000 hanggang P400,000 ang iba pang uri ng child labor. (Billy Begas)

The post 40-taon kulong sa gagamit ng bata sa porno first appeared on Abante Tonite.