5 bangkay bumulaga sa hukay

November 8, 2022 by No Comments

Limang bangkay na pinaniniwalaang biktima ng summary execution ng rebeldeng grupong New People’s Army (NPA) ang nahukay sa Santiago, Agusan del Norte, ayon sa ulat nitong Linggo.

Magkakapatong pa ang mga bangkay na kalansay na at ibinalot sa tela ng duyan nang mahukay sa liblib na lugar sa Sitio Baraboto, Barangay Curva ng nabanggit na lugar.

Ang mga bangkay ay mula sa dalawang miyembro ng Cafgu at tatlong sibilyan na residente ng Carmen, Agusan del Sur na pinatay ng mga NPA nitong nakaraang taon.

Ayon sa ulat, hinukay ng puwersa ng 29th at 36th Infantry Battalion ng Philippine Army kasama ang kapulisan nitong Oktubre 30. Matapos ang mahigit 4-oras na paghuhukay ay tumambad ang limang magkakasalansan na bangkay.

Ayon sa militar, natukoy ang pinaglibingan ng mga biktima sa tulong ng isang dating miyembro ng NPA na sumuko sa militar.

Mayo 3, 2021 nang umalis ang mga biktima sa kanilang lugar upang maghanap ng puno na kanilang binibenta subalit dinukot sila ng mga NPA, pinahukay ng sariling libingan at patayin.

Sa inilabas namang statement ng Armed Forces of the Philippines (AFP), naniniwala sila na ang pagkakahukay sa mga labi ng mga biktima ay makakatulong sa kanilang mga pamilya na patuloy na naghahanap ng hustisya para sa kanila.

“We hope that the recovery of the victims’ remains will help their families as they continue to seek closure and justice. We also pray that the victims will find eternal peace now that they will be placed in their final resting place,” pahayag ng AFP. (Edwin Balasa)

The post 5 bangkay bumulaga sa hukay first appeared on Abante Tonite.