5 deputy ng TESDA chief labag sa batas – Senado

November 16, 2022 by No Comments

Labag sa batas ang pagtatalaga na higit sa dalawang deputy director general ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).

Ito ang ipinunto nina Senate President Juan Miguel `Migz’ Zubiri at Senate Majority Leader Joel Villanueva sa deliberasyon ng kapulungan sa panukalang budget ng ahensiya para sa 2023.

Ipinunto ni Villanueva, dating pinuno ng nasabing ahensiya, sa ilalim ng TESDA Act of 1994 maaari lang magtalaga ang pangulo ng dalawang deputy director general batay sa rekomendasyon ng board.

Subalit may apat na aniya ang TESDA sa kasalukuyan at mayroong isa pang bagong deputy director general na itinalaga sa ahensiya.

“My question is, do we need additional deputy director generals?” tanong ni Villanueva.

Pansamantalang sinuspinde ng mga senador ang rules ng Senado para payagan si TESDA Director General Danilo Cruz na direktang sumagot sa mga tanong ng mga senador.

Paliwanag ni Cruz, sa panahon ng administrasyong Duterte, may apat nang deputy general ang TESDA kaya nagsumite sila ng apat na aplikasyon. Ang pang-limang uupo aniya ay deputy director general for special concerns.

Sabi pa niya, nangyayari rin ang ganitong kalakaran sa iba pang ahensiya ng pamahalaan.

Subalit giit ni Zubiri na labag ang nasabing hakbang sa TESDA charter.

“You came up with two new items without amending the law. Therefore, you are in violation of the law,” sabi ni Zubiri kay Cruz.

Sinabi naman ni Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Bienvenido Laguesma, na kasama sa TESDA board, na hindi siya kinonsulta sa pagtalaga ng maraming deputy director general sa ahensiya. (Dindo Matining)

The post 5 deputy ng TESDA chief labag sa batas – Senado first appeared on Abante Tonite.