92,000 driver’s license, 11 milyong plaka natengga sa LTO

December 9, 2022 by No Comments

Mahigit 11 milyong plate number ng motorsiklo at 92,000 na driver’s licence ang hindi pa rin naipapamudmod sa mga motorista hanggang sa kasalukuyan, batay na rin sa pag-amin ng Land Transportation Office (LTO).

Ayon kay LTO chief Assistant Secretary Jose Arturo Tugade, kabilang sa mga dahilan kung bakit atrasado ang pag-imprenta ng driver’s license ay ang mga depektibong laser engraving machine na makikita sa ilan sa kanilang mga district at extension office sa mga lalawigan.

“Ang fault naman po ng ahensya natin is hindi tayo nagkaron ng mga sufficient stock para ma-address ‘yung mga potential future breakdown ng mga equipment natin,” paliwanag ni Tugade sa isang panayam.

Sinabi ni Tugade na inaasahan nilang aayusin ang mga hindi gumaganang makina bago ang Pebrero 1, 2023.

Aniya, habang hinihintay ang pag-isyu ng mga driver’s license card, magbibigay muna ang mga apektadong tanggapan ng LTO ng mga pansamantalang lisensya sa papel sa mga motorista.

Dagdag pa ng opisyal na may backlog din ang LTO sa mga plaka ngunit hindi pa nagbibigay ng eksaktong datos hinggil dito. (Dolly Cabreza)

The post 92,000 driver’s license, 11 milyong plaka natengga sa LTO first appeared on Abante Tonite.