Agri exec nagpasaklolo sa NBI vs mga basher

January 13, 2023 by No Comments

Ni Nancy Carvajal

Nagpasaklolo ang pinuno ng Kadiwa Center ng Department of Agriculture (DA) sa National Bureau of Investigation (NBI) para tukuyin at kasuhan ng cyber libel ang mga umano’y basher niya online.

Inihayag ng isang NBI insider sa news site na Politiko na nagtungo sa tanggapan ng ahensya noong Martes si DA Assistant Secretary for Consumer Affairs at spokesperson Kristine Evangelista para i-report ang mga taong patuloy umano na nangha-harass sa kanya online.

“Ms. Evangelista verbally filed a complaint, and we expect her to be back to provide us more details and evidence against her bashers, some of them were probably known to her,” sabi ng source.

Si Evangelista, na nagtrabaho rin sa ilalim ng administrasyong Duterte, ang namumuno sa mga Kadiwa center, isang proyekto ng gobyerno na pinangangasiwaan ng DA at nagbebenta ng mga prutas, gulay, karne at poultry products sa ilang lugar sa Metro Manila.

Itinalaga siya ng dating pangulong Rodrigo Duterte sa DA noong 2021 at hinawakan ng consumer and political affairs.

Daan-daang milyong piso ang pondong inilaan para sa Kadiwa project upang matulungan ang mga magsasaka sa pamamagitan ng pagbili sa kanilang mga ani sa tamang halaga. Ibinebenta naman ang kanilang mga produkto sa Kadiwa centers sa mas murang halaga.

Ngayong linggo lamang ay ipinatawag na ng Office of the Ombudsman ang ilang opisyal ng DA at ng Food Terminal Inc. (FTI) para ipaliwanag ang pagbili ng nasa P140 milyong halaga ng mga sibuyas mula sa isang kooperatiba sa Nueva Ecija na P537 per kilo. Natukoy ang koop na Bonena Multipurpose Cooperative.

The post Agri exec nagpasaklolo sa NBI vs mga basher first appeared on Abante Tonite.