Anyare sa `Build Better More’? DPWH binutata sa P200 bilyong repair project

November 16, 2022 by No Comments

Pinalagan ni Senador Alan Peter Cayetano ang panukalang budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil nagmumukha na aniyang mas importante pa sa ahensiya ang pagpapa-repair ng mga imprastrakturang nagawa na kaysa magtayo ng mga bagong tulay at kalsada.

Sa debate ng Senado sa plenaryo nitong Martes ng gabi kaugnay sa DPWH budget sa 2023, ipinunto ni Cayetano na aabot sa one-third (1/3) ng kabuuang P737.36 bilyon pondo ng ahensya ang plano nitong gastusin para sa mga maintenance at repair works.

Aniya, hindi ito tugma sa infrastructure plan ng administrasyon na ‘Build Better More’ kung saan nais ipagpatuloy ang malawakang pagpapatayo ng mga bago at kinakailangang imprastraktura sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

“Kung ia-add ko lahat ng individual items para sa maintenance at rehabilitation, mahigit P200 billion na. So it’s like almost a third of the budget. This is not a ‘Build Better More’ budget, this is a ‘Maintenance Pa More’ budget,” sabi ng senador.

“Parang sa maintenance napupunta `yong 2023 budget. At saka `yung trend, imbes na to build new networks and to have a program to expand infrastructure, parang sa flood control tsaka sa maintenance nako-concentrate `yung pera,” ani Cayetano.

Kapansin-pansin din aniya na dalawang taon nang ganito ang pagkakaareglo ng DPWH budget. (Dindo Matining)

The post Anyare sa `Build Better More’? DPWH binutata sa P200 bilyong repair project first appeared on Abante Tonite.