Bantag sumiklab kay Percy sa `Tagong-yaman’

November 10, 2022 by No Comments

Ibinunyag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na ang “Cinderella Man” expose’ sa kanyang programa ng napaslang na broadcaster na si Percy Lapid ang isa sa posibleng rason kaya sumiklab si suspended Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag.

Galit na galit umano ang suspendidong BuCor Director sa komentarista, ayon kay Remulla noong Setyembre 15 nang i-ere ni Lapid sa kanyang programa ang “Cinderella man” o ang sinasabing `tagong yaman’ na ang tinutukoy ay si Bantag.

Nalaman na Setyembre 17 nang planuhin na ang pagpatay kay Lapid.

Sumiklab si Bantag nang malaman niyang pumunta sa kanyang bahay sa Laguna si Lapid at kinunan ng larawan ang kanyang bahay at mga sasakyan.

“It’s a significant lead that he was absent on that day because on that day Percy Lapid went to his house to examine, to take pictures of his house and his vehicles,” ayon kay Remulla.

“That day itself, noong nalaman ni General Bantag na andun si Percy Lapid sa Laguna, medyo nagalit. Nawala na siya, he didn’t anymore went back to Bilibid. He went back to Laguna and then ‘di na sya umattend ng graduation,” dagdag ni Remulla.

Graduation ng University of Perpetual Help System Delta (UPHSD) sa Bilibid na dinaluhan ng lahat ng board of trustees pero hindi na pumunta si Bantag nang malamang nagpunta sa kanyang bahay si Lapid.

“Gumagawa siya ng storya, yung Cinderella man, yung kanyang video, iyon ‘yun eh. Lumabas si Cinderella man I think September 15. September 9 yun nung pumunta sa bahay niya para kumuha ng pictures, image. Tapos Sept. 17, nagsimula na yung plots, nagsimula na lahat, everything came into motion,” saad pa ni Remulla. (Juliet de Loza-Cudia)

The post Bantag sumiklab kay Percy sa `Tagong-yaman’ first appeared on Abante Tonite.