Binaha sa Davao pinasaklolohan ni BBM

November 18, 2022 by No Comments

Pinakilos na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga ahensiya ng pamahalaan para tulungan ang mga biktima ng flashfloods at landslides sa Davao del Sur at Davao Occidental.

Nakarating na sa Pangulo ang nangyari sa Davao kaya agad nitong inatasan ang mga kaukulang ahensiya upang tulungan ang mga mamamayan na naapektuhan ng flashfloods at landslides bunsod ng masamang panahon.

“We have received reports of flash floods and landslides in Davao Del Sur and Davao Occidental due to heavy rains brought by the Inter-Tropical Convergence Zone. Our concerned agencies have already taken the actions needed to secure the affected individuals,” anang Pangulo sa kanyang social media post.

Ipinabatid sa Pangulo na nagsasagawa na ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ng clearing operations sa mga nasalantang lugar.

Maagap rin ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa kanilang relief operations at minomonitor ang mga evacuation center para sa mga kakailangan pang mga tulong.

Tinatayang anim na libong pamilya sa Davao Occidental ang inilikas dahil sa flashfloods at landslides habang umapaw naman ang ilog sa mga bayan ng Kiblawan at Malalag sa Davao del Sur na naging dahilan para hindi madaanan ang pangunahing kalsada. (Aileen Taliping)

The post Binaha sa Davao pinasaklolohan ni BBM first appeared on Abante Tonite.