BuCor chief Catapang gigibain pader ni Bantag sa Bilibid

November 20, 2022 by No Comments

Ipapagiba ni Bureau of Corrections (BuCor) officer-in charge Gregorio Catapang Jr. ang mga control gate na itinayo sa New Bilibid Prison sa panahon ng suspendidong si Gen. Gerald Bantag.

Tiniyak din ni Catapang na hindi hahadlangan ang publiko, lalo na ang mg estudyante na pumunta sa kanilang paaralan sa loob ng NBP reservation.

Ayon kay Catapang, ang mga control gate na gawa sa mga konkretong pader sa gitna ng mga kalsada ng NBP ay isang paglabag sa konstitusyonal na karapatan ng publiko.

“I will restore access to people, because people should really be able to move without sacrificing the security of the camp,” pahayag ni Catapang sa isang panayam sa telebisyon.

Matatandaang pinalagan ng lokal na pamahalaan ng Muntinlupa City ang mga control gate na ipinagawa ni Bantag noong Marso 2021 sa Insular Prison Road dahil naharangan ang pagpasok ng mga nakatira sa Southville 3, na isang proyekto ng National Housing Authority.

Buwan ng Nobyembre, muling naglagay ng control gate ang BuCor sa University Road na naghihigpit din sa alaw ng mga residente ng Katarungan Village 1 at 2, na isa namang proyektong pabahay ng Department of Justice.

Nagprotesta ang lokal na pamahalaan subalit iginiit ni Bantag na itinayo ang mga pader para umano sa seguridad. (Dolly Cabreza)

The post BuCor chief Catapang gigibain pader ni Bantag sa Bilibid first appeared on Abante Tonite.