Caloocan ipinagbawal mga paputok sa Bagong Taon

December 28, 2022 by No Comments

Nilagdaan ni Mayor Along Malapitan ang Executive Order No. 032-22 na ipinagbawal ang paggamit ng mga paputok sa lahat ng barangay sa Caloocan City para salubungin ang Bagong Taon.

Alinsunod sa EO, hinikayat din ang mga opisyal ng 188 barangay sa lungsod na magtakda ng mga lugar para sa fireworks display.

Bukod sa nasabing kautusan, mahigpit na ipatutupad ang City Ordinance No. 0648 series of 2016 para sa mga takdang lugar na gagamitin sa fireworks.

Ayon kay Malapitan, ilan lamang sa dapat na ipasa ng mga opisyal ng barangay para sa community fireworks area/zone sa Office of the City Administrator bago sumapit ang bisperas ng Bagong Taon ay ang kabuuang address at paglalarawan sa lugar.

May mga pulis, bumbero, at mga tauhan ng Caloocan Disaster Risk Reduction and Management Office at City Health Department na mag-iikot upang ipatupad ang mga panuntunan sa ilalim ng EO. (Orly Barcala)

The post Caloocan ipinagbawal mga paputok sa Bagong Taon first appeared on Abante Tonite.