Centino ibinalik na AFP chief ni PBBM

January 6, 2023 by No Comments

Balik sa pagiging chief of staff ng Armed Forces of the Philippines (AFP) si General Andres Centino matapos itong italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa dati niyang puwesto.

Nanumpa na si Centino sa pangulo nitong Biyernes sa MalacaƱang bilang kapalit ni AFP chief of staff Lt. Gen. Bartolome Bacarro.

Una nang naging AFP chief si Centino mula Nobyembre 12,2021 hanggang Agosto 8, 2022 sa ilalim ng administrasyon ng dating pangulong Rodrigo Duterte. Nakatakda siyang magretiro sa Pebrero.

Wala pang ibinigay na dahilan ang MalacaƱang sa pagtatalaga muli kay Centino bilang AFP chief.

Matatandaang mayroong Republic Act 11709 na nilagdaan ni Duterte na nagtatakda ng tatlong taong termino para sa AFP chief at si Bacarro ang unang nasakop ng batas.

Nagtapos si Centino sa Philippine Military Academy (PMA) Class of 1988 at kaklase ni Bacarro.

Sa maikling panahon na unang pinamunuan ni Centino ang AFP ay matagumpay na inilunsad niya ang kampanya ng militar laban sa insureksiyon at mga teroristang grupo na nagresulta sa pagkabuwag ng mga front nito.

Natapos din ng heneral ang ilang proyekto na bahagi ng AFP modernization at siya rin ng nanguna para tiyakin na mapayapa at maayos ang halalan noong Mayo 2022. (Aileen Taliping)

The post Centino ibinalik na AFP chief ni PBBM first appeared on Abante Tonite.