Dalaga kinaladkad sa presinto ng 30 binudol

December 21, 2022 by No Comments

Mismong ang 30 biktima na kinabibilangan ng isang Overseas Filipino Worker (OFW), ang kumaladkad sa dalaga na sinasabing illegal recruiter at dinala sa himpilan ng pulisya sa Quezon City, ayon sa ulat kahapon.

Ang suspek ay si Zebediah Dassun alyas “Ejang Dassun,” 31, taga-Brgy. Batasan Hills, Quezon City.

Isa sa 29 na biktima ay si Ginalyn Caralipio Valenzuela, 30, dalaga, OFW, ng Brgy. East Rembo, Makati City.

Sa naantalang report ng Quezon City Police District, alas-tres ng hapon nang arestuhin ang suspek ng mga biktimang pinangakuan nito ng trabaho abroad sa Santolan Road, Quezon City.

Ayon kay PCpl Paul Jordan G Apolinario, mismong si Valenzuela, kasama ang 29 pang biktima ang bumitbit sa suspek at nagdala sa himpilan ng pulisya.

Batay sa reklamo ng 30 biktima, ni-recruit umano sila ng suspek para magtrabaho sa ibang bansa gamit ang Facebook account na “Ejang Dassun” at URL https://www.facebook.com/zebediah.dassun.

Nagpakilala umano si Dassun bilang Chief Executive Officer (CEO) ng Z Dreamer Nihonggo Learning Center Agency kasama ang isang “Joel Ballesteros Soriano.”

Dahil sa matamis na pananalita ay nakuha ng suspek ang tiwala ng mga biktima hanggang sa pagbayarin umano sila ng mga processing fee, flight ticket fee, at school fee bilang requirement sa application.

Nang matanggap ang kabayaran ay nangako ang suspek na naka-iskedyul na umano ang flight ng mga biktima nitong December 19, 2022.

Sa nasabing petsa ng pag-alis ay nakipagkita ang mga biktima kay Dassun upang hingin ang kanilang plane tickets pero wala itong maibigay dahilan upang pagtulungan nilang kaladkarin ang suspek sa pulisya. (Dolly Cabreza)

The post Dalaga kinaladkad sa presinto ng 30 binudol first appeared on Abante Tonite.