Disease expert tinulak taunang bakuna kontra COVID-19

December 9, 2022 by No Comments

Iminungkahi ng isang eksperto na dapat pa ring magpabakuna kahit isa o dalawang beses sa isang taon upang mapanatili ang proteksyon laban sa COVID-19.

Ito ang inihayag ni Infectious Diseases Expert Dr. Rontgene Solante sa Laging Handa public briefing sa harap ng mga naitatala pa ring kaso ng COVID 19 sa bansa.

Ayon kay Solante, kahit naabot na ang target population protection sa COVID-19, mahalaga pa ring magpabakuna para mapanatili ang proteksyon at upang hindi makaranas ng matinding COVID-19 infection.

“Puwede pa rin na magbabakuna tayo, at isa sa mga possible options baka makikita na once a year or twice a year na ang vaccination natin ng COVID para lang to maintain that protection na hindi tayo mag-develop ng severe COVID,” ani Solante.

Kapag aniya mataas pa rin ang kaso ng COVID19 sa susunod na taon ay mayroong posibilidad na puwedeng tumaas pa ang kaso kaya mahalagang mayroong dagdag proteksiyon laban sa mabagsik na virus.

Pagkatapos aniya ng anim hanggang walong buwan matapos makatanggap ng COVID vaccine ay bumababa ang proteksiyon laban sa COVID19 kaya maaaring gawing option ang magpabakuna ng isa o dalawang beses sa isang taon.(Aileen Taliping)

The post Disease expert tinulak taunang bakuna kontra COVID-19 first appeared on Abante Tonite.