Driving school sa Palawan sinuspinde

January 10, 2023 by No Comments

Tatlumpung araw na suspensyon ang ipinataw na parusa ng Land Transportation Office (LTO) sa isang driving school sa Palawan habang iniimbestigahan sa posibleng paglabag sa akreditasyon nito.

Iniutos ni LTO-MIMAROPA Acting Regional Director Manuel Betaizar ang suspensyon sa gitna ng ginagawang pagsisiyasat sa umano’y paglabag ng driving school sa Article VII Section 26.c.7 (Prohibitions for Driving Institutions) ng LTO Memorandum Circular 2021-2284.

Kasunod ito ng natanggap na mga reklamo ukol sa sinasabing iregularidad sa paggamit ng accreditation ng nasabing driving school, partikular sa pagsasagawa ng Theoretical Driving Course (TDC) at Driving Enhancement Program (DEP) nito sa labas ng inaprubahang silid-aralan ng LTO.

Kasabay nito, pinaalalahanan ng LTO ang mga accredited driving school nito sa buong bansa na maging maingat sa pagsasagawa nila ng driver training courses.

Binigyang-diin ni LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade ang kahalagahan ng wasto at maayos na pagtuturo sa mga nagnanais na maging drayber. (Dolly Cabreza)

The post Driving school sa Palawan sinuspinde first appeared on Abante Tonite.