Empleyado ng probation court nilikida

November 27, 2022 by No Comments

Patay ang isang 42-anyos na court probation employee nang ito ay pagbabarilin sa Sto. Tomas City, Batangas Biyernes ng gabi.

Kinilala ni Police Major Allan Nidua, Sto Tomas deputy police chief ang biktima na si Arnel Montablan, residente ng Barangay San Vicente, Sto Tomas City, Batangas, probation employee ng Tanauan City.

Ayon sa ulat ng pulisya, nakaupo si Montablan sa gilid ng barangay road nang lapitan ng hindi pa nakikilalang suspek mula sa likuran at pinagbabaril ang biktima, na agarang ikinamatay nito dakong alas-7:35 ng gabi.

Ayon sa mga saksi, ang suspek na tinatayang nasa 5’8” hanggang 5’11” ang taas, nakaputing T-shirt, itim na jacket ay agad na tumakas matapos ang pamamaril sakay ng naghihintay na motorsiklo kasama ang isa pang suspek patungo sa Barangay San Vicente sa nasabing lungsod.

Hindi pa matukoy ng mga imbestigador ang motibo at pagkakakilanlan ng mga suspek sa likod ng insidente. (Ronilo Dagos)

The post Empleyado ng probation court nilikida first appeared on Abante Tonite.