IPhone 8 ng estudyante ninenok

December 14, 2022 by No Comments

Hindi na nakapagkaila sa ikalawang pagkakataon nang maaresto ang isang electrician sa Lyceum of the Philippines na dumukot sa I phone 8 ng isang estudyante, kamakalawa ng gabi sa Ermita, Maynila.

Nabatid na unang pinakawalan ang suspek na si Mark Jazer Joson, taga-Tambak 1 Street, Tanza 2, Navotas City nang hindi makuha sa kanya ang dinukot na cellphone matapos na habulin ng testigong si Felix Pacaldo Jr., messenger, nang makitang dinukot ng suspek ang backpack ng biktima habang tumatawid sa pedestrian lane sa Natividad St., Ermita, Maynila.

Gayunman, kinunan ng larawan ang suspek ng kasama ng kanyang dinukutan na si Kyla Mae Quierrez, 20, ng GSIS Hills Subd., Caloocan City saka dumiretso sa tanggapan ng Manila Police District-Special Mayor’s Action Team(SMaRT) para magpa blotter.

Kaagad nagsagawa ng pagrebisa sa CCTV si PMaj Edward Samonte at dito nakita na itinago ng suspek sa poste ng LRT ang ninenok at binalikan nang pakawalan.

Nagsagawa naman ng follow up operation ang pulisya hanggang sa natunton ang suspek at mabawi ang inumit na Iphone. (Juliet de Loza-Cudia)

The post IPhone 8 ng estudyante ninenok first appeared on Abante Tonite.