Kliyente minanyak, lalamove driver timbog

January 4, 2023 by No Comments

Swak sa piitan ang driver ng umano’y Lalamove nang mabistong nagpapadala ng malalaswang mga mensahe sa naging kliyenteng Call Center Representative sa Quezon City, Lunes ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Anthony Fanlo Fernandez, 45, binata, tubong Lucena City, at nakatira sa Better Living Paranaque City.

Sa report ng Quezon City Police District (QCPD), alas-3:30 ng hapon (January 2), nang arestuhin ang suspek sa Congressional Ave., Brgy. Pasong Tamo Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PCpl Girlie V Sison, ng Women and Children Protection Desk, inireklamo ng 33-anyos call center rep ang suspek dahil sa pagpapadala sa kanya ng mga malalaswang mensahe gamit ang Lalamove account number.

Una dito, noong Nobyembre 7, 2022, nagpa-book umano ang biktima sa Lalamove at ibinigay niya ang kanyang contact number.

Nobyembre 26, nang magsimulang makatanggap ng malalaswang mga mensahe ang biktima at nito lamang Enero 2, 2023 niya nadiskubre na ang suspek pala ang salarin.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang kasong isasampa laban sa kaniya. (Dolly Cabreza)

The post Kliyente minanyak, lalamove driver timbog first appeared on Abante Tonite.