Mga suki ng Tax Scam tatalupan

January 4, 2023 by No Comments

Ni Nancy Carvajal

Nakatakdang isyuhan ng subpoena ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga kompanyang naging suki o nakinabang sa serbisyo ng Brenterprise International Inc. na pag-aari ng Lyka app founder at pugante na si Bren Chong, ayon sa isang source sa loob ng bureau.

Nauna nang inihalintulad ng NBI ang modus ng Brenterprise sa multibillion-peso pork barrel scam na nalantad noong 2013 na kinasasangkutan ng negosyanteng si Janet Lim Napoles at ilang mga mambabatas.

Ayon sa isang source na kabilang sa investigating team, ang listahan ng mga kompanyang ipapatawag ay batay na rin sa isinagawang digital forensic examination ng NBI.

“A court order allowed the NBI to search, seize and examine the content of the computers taken from the office during the raid,” saad ng source.

Idinagdag ng source na ang cyber search warrant na inisyu ng isang lokal na hukom ay sapat na batayan upang maisagawa ang digital examination sa 24 computer na nakumpiska sa raid noong nakaraang buwan sa opisina ng Brenterprise sa Excelsior 2 condominium building sa Eastwood, Quezon City.

Nabuking sa nasabing raid ang iba’t ibang pekeng commercial documents na ginagamit ng mga kompanya upang maiwasan ang mga buwis, tulad ng mga resibo para sa collection and delivery.

“Part of the due process is to ask these companies to explain why they availed the services of Brenterprise found to be manufacturing fraudulent commercial documents,” paliwanag ng source.

Nauna rito, nabatid sa NBI na lumitaw sa data base ng tanggapang nakalista na mahigit sa libong malalaki at maliliit na kompanya ang umano’y gumamit sa serbisyo ng Brenterprise, kabilang na rito ang isang sikat na food chain, real estate, apparel at iba pang industriya.

Maliban sa NBI, inamin ng source na nagsasagawa na rin ngayon ng hiwalay na imbestigasyon ang Bureau of Internal Revenue sa operasyon ng kompanya ng Chong.

Sa inisyal na imbestigasyon ng NBI, nabisto na ang kompanya ni Chong ay naniningil ng mas mababa sa isang porsyento o .8% ng “face value” ng bawat pinekeng dokumento na hinirit ng mga kliyente nito na umano’y 15 taon nang namamayagpag.

Si Chong, na ang ama ay nagmamay-ari ng sports footwear at apparel na World Balance, ay tumakas noong Hunyo 2021 matapos maglabas ng warrant ang korte sa Maynila dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa pagpuslit ng P1.87B shabu sa Manila International Container Port (MICP). Siya rin ang may-ari ng Bren e-sports team.

Bukod sa pag-imbento ng mga dokumento ng negosyo, nalaman ng NBI na nakikipag-ugnayan din ito sa mga ahente ng gobyerno upang ayusin ang mga alalahanin ng mga kliyente tungkol sa mga buwis at corporate matters.

Ang kumpanya ni Chong ay sinasabing nag-aalok din ng notarial services sa mga kliyente nito.

The post Mga suki ng Tax Scam tatalupan first appeared on Abante Tonite.