NBP supplier pinaluwal ng P350K sa Lapid ambush

November 10, 2022 by No Comments

Ni Nancy Carvajal

Kinumpirma ng tumatayong “purchaser” na nagsisilbi ring supplier sa mga lider ng gang sa Bureau of Corrections na nagdeposito siya ng P350,000 sa bank account ng self-confessed gunman na si Jose Escorial sa utos na rin ng Batang City Jail commander na si Alvin Labra.

Sa sinumpaang salaysay, kinumpirma ng purchaser na noong Oktubre 4, naghulog siya ng P300,000 sa bank account ng self-confessed gunman ng broadcaster na si Percival Mabasa na kilala rin bilang Percy Lapid sa kahilingan ni Alvin Labra, Batang City Jail kumander.

Sa kanyang sinumpaang affidavit, kinumpirma ni `Kyle’ sa Politiko_Ph ang naging pahayag ng prison leader sa National Bureau of Investigation.

“Tinawagan ako ni Alvin Labra, commandeer ng BCJ noong Oct. 4, at around 10:00 a.m nakisuyo siya na kung pwede ako magpahiram ng P350,000 at kung pwede ko din edepositio na lang sa bank account na ibibigay niya sa akin. Ang sabi ko sa kanya ang pera ko lang sa araw nay un ay P300,000. Dahil kilala ko naman si Alvin Labra, pumayag ako sa ipinakikisuyo niya sa akin dahil babayaran din naman niya ako.”

Oktubre 7, muli siyang nagdeposito ng P50,000 sa account ni Escorial, sa utos uli ni Labra.

Noong Oktubre 10, pagbalik niya ng Bucor para hingin ang approval sa mga uniporme ng basketball at volleyball sa torneo ng mga preso ay ibinigay sa kanya ni Labra ang P350,000 cash.

Iginiit ni Labra sa sinumpaang affidavit na ang P350K sa loob ng apat na brown envelope ay ibinigay sa kanya ni Security Head Ricardo Zulueta noong Oktubre 4, sa opisina ng opisyal bilang parte ng bayad sa kontrata ng Escorial.

“Hindi ko maipahulog yung pera, dahil hindi ko maibigay ng personal. Kaya ang ginawa ko ay tinawagan ko si Kyle, na isang babae. Purchaser namin siya. Siya yung taga bili namin ng mga pagkain,” base sa

sworn statement ni Labra sa isinumite sa Department of Justice.

“Pinakiusapan ko siya na kung pwede ay paluwalan na muna niya yung P350,000,’’ saad pa ni Labra.

Ayon sa source na nagsagawa ng background check kay Kyle, isa siyang bank manager bago siya naging “purchaser” ng mga prison gang leaders.

Magugunitang sa katatapos na “Oplan Galugad” sa Bucor ay 7,000 beer in can lata ang kabilang sa mga nasabat sa loob ng compound.

The post NBP supplier pinaluwal ng P350K sa Lapid ambush first appeared on Abante Tonite.