Pahinante lumusot sa windshield, nagulungan pa ng trak

December 21, 2022 by No Comments

Patay ang isang pahinante matapos itong magulungan ng kanyang sinasakyang trak sa national road sa Brgy. Cueva, Sta. Maria, Laguna Lunes ng gabi.

Agad nasawi ang biktimang si Cris Gerald Macuro matapos na magtamo ng grabeng pinsala sa ulo at katawan.

Ayon sa report ng Sta. Maria police, nawalan ng preno ang mini dump truck na kargado ng buhangin na sinasakyan ng biktima sa palusong na bahagi ng kalsada.

Bumangga ito sa mga tambak na lupa sa gilid ng kalsada kaya tumilapon ang biktima mula sa kinauupuan.

Tumama ito at lumusot ito sa windshield at nagulungan pa ng unahang gulong matapos na bumagsak sa lupa.

Huminto lamang ang trak nang tumagilid ito sa kalsada.

Nasugatan din ang driver ng truck na si Renato Canada na isinugod sa ospital sa bayan ng Pakil. (Ronilo Dagos)

The post Pahinante lumusot sa windshield, nagulungan pa ng trak first appeared on Abante Tonite.