Palawan niyanig ng pagsambulat

January 8, 2023 by No Comments

NIYANIG ng malakas na pagsabog ang dalawang bayan sa Palawan, Sabado ng gabi.

Ayon sa mga saksi, sinasabing tila nagmula sa bulalakaw sa kalangitan ang pagsabog.

Ramdam umano ang pagsambulat at pagyanig nito sa mga bayan ng Bataraza at Rizal.

Nangyari umano ito pasado alas-siyete ng gabi, ayon kay Eddie Bonsato ng MDRRMO Bataraza, na sinasabing personal niyang nasaksihan ang pangyayari kung saan mala-bulalakaw aniya ito na mabilis na lumilipad sa kalangitan na tila bola at makalipas ang 15-minuto ay may narinig nang pagsabog.

Sinabi naman ni Rizal MDRRMO Anthony Lorenzo na inaalam pa nila ang iba pang mga may kaugnayan dito. Iniulat na rin sa kanila ito ng Punong Barangay ng Panalingaan.

Bago ang pagpasok ng 2023, nagbabala ang Philippine Space Agency (PhilSA) sa posibleng pagbagsak ng mga debris mula sa rocket na inilunsad ng China noong December 29, 2022.

Ayon sa Civil Aviation Administration ng China sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP), may posibilidad na ito ay bumagsak sa Recto Bank, na 137 kilometers lang ang layo sa Ayungin Shoal at 200 kilometers sa Quezon, Palawan.

Patuloy pang nangangalap ng impormasyon ang MDRRMO ng Bataraza at Rizal kaugnay dito. (Catherine Reyes)

The post Palawan niyanig ng pagsambulat first appeared on Abante Tonite.