Pampanga LGU pinaaawat sa koleksyon ng toll

November 30, 2022 by No Comments

Umalma ang mga trucker at hauling services sa pangongolekta ng toll fees ng lokal na pamahalaan ng San Simon, Pampanga sa kabila ng umiiral na joint memorandum sa pagpapatigil sa koleksyon nito.

Halagang P300 kada araw ang sinisingil ng San Simon LGU sa mga trucker at hauler na naghahatid ng produkto at iba pang mahahalagang materyales sa mga negosyo at industrial park ng nasabing bayan.

Hiniling na ng mga trucker, hauling services, gayundin ng mga negosyante at industrial park sa national government na patigilin ang lokal na pamahalaan sa pangongolekta ng toll fees.

Giit nila, illegal ang toll fees dahil sa national road sila dumadaan at hindi ito bahagi ng hurisdiksyon ng San Simon.

Noong Abril 2021, nagpalabas ng Joint Memorandum Circular (JMC) No. 2021-01 ang Department of Interior and Local Government (DILG), Department of Finance (DOF) at Anti-Red Tape Authority (ARTA) para ipatigil ang pangongolekta ng “illegal fees and taxes on goods and products” ng San Simon.

Sa kabila nito, hindi naman ito sinunod ng nakaupong alkalde ng bayan dahil itinuloy pa rin ang pangongolekta ng toll fees sa mga trucker at hauler na dumadaan sa San Simon.

The post Pampanga LGU pinaaawat sa koleksyon ng toll first appeared on Abante Tonite.