Paslit nalunod sa creek, 1 pa nawawala

January 7, 2023 by No Comments

Natagpuan na ang 11-anyos na totoy habang hinahanap pa ang kanyang kalaro nang malunod habang naliligo at naglalaro sa creek sa Quezon City sa kasagsagan ng malakas na ulan, Biyernes ng hapon.

Hindi pa natukoy ang pagkakakilanlan ng 11-anyos na biktima na bangkay nang natagpuan Sabado ng umaga.

Batay sa ulat ng Quezon City Police District, alas-singko ng hapon ng Biyernes nang magkayayaan ang mga biktima at dalawa pa nilang kalaro na edad 15 at 17-anyos na maligo sa Talayan Creek sa Araneta, Quezon City.

Nakakita umano ng styro ang mga biktima at ginamit ito sa paglalaro ngunit naisipan umano ng isa sa mga biktima na tumalon sanhi upang tumaob ito.

Hindi na umano lumutang pa ang dalawang biktima habang nakaligtas ang dalawa pa nilang kasamahan.

Kinabukasan naiahon ng mga rescuers mula sa Philippine Coast Guard (PCG) ang 11-anyos na biktima ngunit patay na ito habang patuloy pang hinahanap ang 12-anyos nitong kalaro.

Nabatid na nahirapan ang mga rescuers na hanapin ang isa pang nawawalang bata dahil sa dami ng mga basurang nakatambak sa creek. (Dolly Cabreza)

The post Paslit nalunod sa creek, 1 pa nawawala first appeared on Abante Tonite.