PBBM diskarte sa drug war: Kalusin `ninja cops’

January 6, 2023 by No Comments

Inamin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may go signal siya sa naging direktiba ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos para magsumite ng courtesy resignation ang lahat ng general at colonel ng Philippine National Police (PNP).

Sa panayam sa Pangulo ng mga mamamahayag matapos mag-inspeksiyon sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 nitong Biyernes, ito na aniya ang tugon niya nito sa mga nagtatanong sa kanya noong panahon ng kampanya kung ano ang gagawin sa problema sa ilegal na droga sa bansa.

Ibang estilo aniya ang ginawa ng kanyang administrasyon dahil batid niyang may ilang pulis na kasabwat ng mga sindikato at drug lords.

“Yes, we were planning this for awhile. Let me tell you very clear, remember during the campaign nung tinatanong ako kung ano `yung gagawin natin tungkol sa drug war or drug problem. This is it, we approach it in entirely different way. Alam naman natin na `yung problema sa drugs hindi mangyayari `yan kung hindi kasabwat `yung mga iba diyan sa pulis kaya’t tingnan na mabuti sino ba talaga ang kasabwat diyan, sino ba talaga ang involved at sino ang hindi na talaga puwedeng magserbisyo dahil associated na sila sa mga drug lord,” pahayag ng pangulo.

Binigyang-diin ng pangulo na bahagi ito ng paglilinis sa hanay ng PNP at kung sino ang matitira ay ang mga ito ang aasahang magtrabaho para sa gobyerno.

“We are just cleansing the ranks and making sure that `yung mga opisyal diyan na natitira sa atin eh maasahan natin at nagtatrabaho para sa gobyerno, hindi nagtatrabaho para sa ibang sindikato,” dagdag ng pangulo.

Bubuo aniya ng isang komisyon para busisiin ang rekord ng mga opisyal at ang mga mapapatunayang malinis ay ibabalik sa serbisyo habang kakasuhan naman ang mga sangkot sa illegal drug trade. (Aileen Taliping)

The post PBBM diskarte sa drug war: Kalusin `ninja cops’ first appeared on Abante Tonite.

Tags: , , , ,