Pekeng OEC naglipana pa rin – Immigration

November 19, 2022 by No Comments

Marami pa rin ang gumagamit ng pekeng Overseas Employment Certificates (OEC) para lamang makalabas ng bansa.

Ito ang inihayag ni Bureau of Immigration Deputy Spokesman Melvin Mabulac sa Laging Handa public briefing sa kabila ng pagkakaroon na ng border control information system ang Department of Migrant Workers (DMW).

Ang bagong sistema aniya ay bagong paraan upang mabilis na maproseso ang dokumento ng mga paalis na Overseas Filipino Workers (OFWs) at naka-link sa sistema ng kanilang ahensiya.

Gayonman, sinabi ni Mabulac na meron pa ring gumagamit ng mga pekeng OEC at hindi dumaan sa proseso ng DMW kaya nahaharang ang mga ito sa kanilang pag-alis.

“Nakita natin na mayroon pa rin at marami pa rin na gumagamit ng mga fake OEC, mga kababayan tayong lumalabas sa bansa bilang isang … sasabihin isang turista,” ani Mabulac.

Batay aniya sa kanilang imbestigasyon, ang mga gumagamit ng pekeng OEC ay mga OFW na na-recruit sa pamamagitan ng social media at hindi dumaan sa tamang proseso ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) , Philippine Overseas Employment Administration (POEA) at DMW.

Dahil dito, sinabi ng opisyal na tuloy-tuloy ang pakikipag-ugnayan nila sa DMW upang makagawa ng hakbang para hindi mabiktima ang publiko sa panloloko ng ilang fly by night na recruitment agencies.

“Pero natuklasan natin na sila pala ay ni-recruit sa social media na hindi dumadaan sa ating Philippine Overseas Employment Certificate at mayroon silang mga hawak na dokumento na hindi totoo, mga pekeng dokumento, at iyon po ay tinitingnan ng ating Immigration officers doon sa ating mga paliparan,” dagdag ni Mabulac. (Aileen Taliping)

The post Pekeng OEC naglipana pa rin – Immigration first appeared on Abante Tonite.