PhilHealth, SSS dagdag-butaw sisingilin sa mga employer

December 9, 2022 by No Comments

Magtataas ang kontribusyon ng mga manggagawa sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at sa Social Security System (SSS) pagpasok ng Enero 2023 pero sisingilin ito sa mga employer.

“`Yung increase po ng contribution na 1 percent will be borne by our employers, hindi po sa empleyado hetong 2023 `yung increase na 1 percent,” pahayag ni SSS president at chief executive officer Michael Regino sa panayam ng ABS-CBN.

Panalo umano rito ang mga miyembro ng SSS dahil magkakaroon na ng `forced savings’ sa kontribusyon pagdating ng kanilang pagreretiro.

“Ngayon if any suweldo o monthly salary credit above P20,000 mapupunta na `yan sa personal account ng miyembro so that in the future when he’s going to retire may dagdag po siya ng retirement personally, in effect parang dalawa na ang pension niya,” ayon kay Regino.

Samantala, kalahating porsyento naman ang dagdag na kontribusyon sa PhilHealth kung saan mula sa 4% ay tataas ng 4.5% simula Enero 2023.

“Kung P90,000 and above, isa lang ang babayaran nyan P4,050 a month so kung employed ka hati kayo ng employer nyo, 50-percent,” paliwanag naman ni PhilHealth spokesperson Shirley Domingo.

Nasa P50 ang itataas sa premium contribution ng mga miyembro na kumikita ng P10,000 pababa sa 2023 na magiging P450 na kada buwan mula sa P400 ngayong taon.

Itataas naman sa 4.5% ng sahod ang premium contribution ng mga miyembro na kumikita ng mahigit sa P10,000 sa 2023 mula sa 4% ngayong taon. Para sa mga kumkita ng P20,000 halimbawa, ang buwanang bayarin sa PhilHealth ay magiging P900 na mula sa P800 ngayong taon.

Muli pang itataas ang kontribusyon sa Philhealth sa 2024. (Dolly Cabreza/Eileen Mencias)

The post PhilHealth, SSS dagdag-butaw sisingilin sa mga employer first appeared on Abante Tonite.