Pimentel pinipiga ang gagastusan ng P149B sa 2023 budget

November 10, 2022 by No Comments

Kinuwestiyon ni Senate Minority Leader Aquilino `Koko’ Pimentel III ang P149 bilyong lump sum fund na inilaan para sa Support to Infrastructure and Social Programs na tinaguriang “SIPSIP” ng Department of Budget and Management (DBM) sa ilalim ng mga unprogrammed fund sa panukalang 2023 national budget.

Sa deliberasyon ng Senado sa panukalang P5.2 trilyon budget, tinanong ni Pimentel ang tungkol sa P149 bilyong alokasyon para sa naturang mga programa na walang nakapaloob na detalye.

“Wala kaming nakitang kahit annex na submitted to us, Mr. President,” sabi ni Pimentel kay Senador Sonny Angara, chairperson ng Senate committee on finance at nagdidipensa ng panukalang national budget.

“As of this date, blind pa po ako on how the P149 billion will be spent,” dagdag pa ni Pimentel.

Sabi naman ni Angara, ang mga lump sum fund na ito ay magbibigay ng ‘flexibility’ sa gobyerno.

Hindi katulad sa Bayanihan 1 at 2 na isinabatas bilang tugon sa COVID-19 pandemic, sinabi ng Angara na ang mga pondong ito ay magbibigay ng luwag para sa pagpapatupad ng mga infrastructure project at social program ng gobyerno.

Pero duda ni Pimentel na ang mga programa at proyektong ito ay nakatago lang sa ilalim unprogrammed budget dahil walang sapat na detalye tungkol doon.

Tinanong pa ni Pimentel kung ano ang formula na ginamit para sa P149 bilyong lumpsup para sa SIPSIP.

“How did the DBM arrive at a very specific amount of P149.690 billion—may butal pa nga e. That means there must have been details which were totaled,” sabi pa ng senador.

Paliwasnag naman ni Angara, ibinatay umano ng DBM ang nasabing halaga sa “historical amount” sa mga nagdaang taon. (Dindo Matining)

The post Pimentel pinipiga ang gagastusan ng P149B sa 2023 budget first appeared on Abante Tonite.