Pinahiya ni titser, estudyante na-trauma

December 20, 2022 by No Comments

AYAW na umanong pumasok sa San Nicolas National High School (SNNH) ng isang 15-anyos na high school student matapos ipahiya ng kanyang subject teacher kamakalawa sa San Nicolas, Ilocos Norte.

Sa reklamo ng mga magulang ng binatilyong estudyante, sa Department of Education-Ilocos Norte (DepEd-IN), ilang araw nang hindi pumasok ang kanilang anak dahil may sakit ito at noong pumasok ito, pinahiya umano siya ng kanyang subject teacher at sinabihang “Nandito ka na? ang alam ko naka kabaong ka na, lumabas ka dito kapag wala kang excuse letter, kumuha sa adviser ko!”

Napag-alaman na ang titser ay anak ng opisyal ng nasabing school.

Nagpunta umano ang estudyante sa kanyang adviser para humingi ng excuse letter ngunit wala ito kung kaya bumalik siya sa subject teacher at muli umano itong ipinahiya sa klase.

Umuwi ang estudyante sa kanilang bahay at ikinuwento ang pangyayari sa kanyang ina kung saan nanawagan ang magulang kay Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na silipin ang kaso ng kanyang anak.

Sa kasalukuyan, wala pang pahayag ang titser. (Allan Bergonia)

The post Pinahiya ni titser, estudyante na-trauma first appeared on Abante Tonite.