PMS chief Zenaida Angping sinipa sa PBBM trip

November 20, 2022 by No Comments

Nadamay si Presidential Management Staff (PMS) Secretary Zenaida Angping sa eskandalong kinasangkutan diumano ng kanyang mister na si dating congressman Harry Angping sa Thailand.

Ayon sa eksklusibong ulat ng online news Politiko, pinababa ang mga bagahe at hindi na umano pinasama pa si Secretary Angping sa flight ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. patungo sa Thailand kung saan dumalo ito sa Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Leaders’ Summit na ginanap noong nakaraang linggo.

Ito’y matapos na makarating diumano sa Malacañang ang balitang inaresto ang kanyang mister dahil sa reklamong sexual harassment sa isang five-star hotel sa Bangkok kung saan tumuloy ang delegasyon ng pangulo.

“Pinababa sa plane si Naida at bagahe niya sa Manila pa lang,” ayon sa source ng Politiko.

Nabatid na nakarating na umano sa Malacañang ang report tungkol sa eskandalong kinasangkutan ni ex-cong Angping noong Martes pa o Nobyembre 15, isang araw bago lumipad ang delegasyon ng pangulo sa Thailand.

Kabilang diumano ang 70-anyos na dating kongresista sa advance party ng Malacañang na tumuloy sa Marriott Marquis Queens Hotel sa Bangkok.

Ayon sa mga ulat, napagtripan diumano ni ex-cong Angping ang isang babaeng housekeeping staff ng hotel at ginawan ito ng sexual advances.

Agad namang isinumbong ng chamber maid at ng kanyang amo ang insidente sa Bangkok Police.

Itinanggi naman ng isang opisyal ng Presidential Communications Group ang report na inaresto si ex-cong Angping dahil sa sexual harassment sa Thailand.

Tinangkang hingan ng reaksiyon si ex-Cong Angping sa insidente pero hindi ito sumagot sa mga tawag at text ng Abante Tonite.

Humingi rin ang Abante/ Politiko online news ng reaksiyon sa Malacañang kaugnay sa pagkaka-etsapuwera sa Thailand trip ni PMS Angping ay wala itong naging tugon.

The post PMS chief Zenaida Angping sinipa sa PBBM trip first appeared on Abante Tonite.