Poe: Mga tsuper na kontra sa modern jeep mag-career change

November 20, 2022 by No Comments

Maaari naman umanong magpalit ng career ang mga tsuper at operator na nahihirapang maka-avail ng bagong jeep sa ilalim ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), ayon kay Senador Grace Poe.

Ginawa ni Poe, chairperson ng Senate committee on public services, ang pahayag nang idepensa ang panukalang budget ng Department of Transportation (DOTr) para sa 2023.

Ito’y matapos na tanungin ni Senador Risa Hontiveros sa DOTr kung ano ang maaasahan ng mga tsuper at operator ng PUV kapag hindi sila naging miyembro ng kooperatiba at makakakuha ng modernong jeepney.

Kasunod ito ng inilabas na Memorandum Circular 2022-33 ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) kung saan kapag ang drayber sa isang ruta ay hindi sumali sa kooperatiba, posibleng ibigay sa pribadong kompanya ang prangkisa para sa ruta nila.

“Mukhang sinasadya noon ng DOTR sa ilalim ng dating secretary na palitan ng malaking players ang maliliit na drivers at operator. So tanong po, maari bang linawin ng bagong kalihim, kung ano aasahan ng mga driver natin,” pahayag ni Hontiveros.

Sinabi naman ng DOTr, sa pamamagitan ni Poe na siyang nagdepensa ng panukalang pondo ng ahensiya para sa susunod na taon, na ang mga drayber na hindi bahagi ng kooperatiba ay minorya lamang na tumangging sumali dito.

Subalit may programa naman aniya ang DOTr sa mga drayber at operator na ayaw sumali sa kooperatiba kung saan maaring silang mag-enrol sa Tsuper Iskolar.

“Should there be individual operator who will choose not to affiliate themselves with the cooperative or corporation, hence opting out in the industry, they shall be entitled to free skills trainings through Tsuper Iskolar or livelihood grant…to help them transition to a new industry,” paliwanag ni Poe.

Maaari aniyang magkaroon ng career change ang mga drayber at operator kung ayaw nila sa nasabing programa.

“Kasi minsan din, kailangan din natin ng viability and competition for some them, maybe a career change will also be helpful. So, they have an option. They can decide to stay as driver or be given more option,” dagdag pa ni Poe. (Dindo Matining)

The post Poe: Mga tsuper na kontra sa modern jeep mag-career change first appeared on Abante Tonite.