Umento sa mga Central Luzon worker larga na

January 3, 2023 by No Comments

Matatanggap na ng mga manggagawa sa Central Luzon ang ikalawang bahagi ng umento sa kanilang minimum wage na epektibo nitong Enero 1, 2023.

Ang ikalawang tranche ng umento sa arawang sahod na nagkakahalaga ng P10 ay alinsunod sa Wage Order No. RBIII-23 na inilabas ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) noong Hunyo 2022.

Base sa naturang wage order, itinakda sa P40 ang dagdag-sahod sa mga manggagawa sa mga pribadong kompanya sa Central Luzon.

Nagkabisa noong Hunyo 20, 2022 ang unang bahagi ng taas-suweldo sa mga manggagawa sa naturang rehiyon na P30.

Ayon kay Geraldine Panlilio, regional director ng Department of Labor and Employment (DOLE) at chairperson ng RTWPB sa Central Luzon, ipatutupad ang dagdag-sahod sa lahat ng minimum wage earner sa pribadong sektor sa Central Luzon, anuman ang katayuan ng kanilang employment sa kompanya.

Sa bagong kautusan, ang mga minimum earner sa Central Luzon sa non-agriculture category at mga kompanya na may mahigit 10 manggagawa ay makakatanggap ng P460 basic pay kada araw.

Ang mga empleyadong nagtatrabaho sa non-agriculture category na wala pang 10 manggagawa ay magkakaroon ng P453 basic pay kada araw.

Para sa retail o service category, ang arawang minimum na sahod ng may 10 o higit pang manggagawa ay magiging P449 at P435 sa mga establisimiyento na wala pang 10 ang nagtatrabaho. (Mina Navarro)

The post Umento sa mga Central Luzon worker larga na first appeared on Abante Tonite.