Van, bus, trak nagkarambola

November 18, 2022 by No Comments

Patay ang isang driver matapos magkarambola sa national highway ang isang closed van, pampasaherong bus at trailer truck sa Diadi, Nueva Vizcaya nitong Miyerkoles ng hapon.

Batay sa report ng Diadi police, dead on the spot ang driver ng closed van na si Gerald Rosales, 42, residente ng bayan ng Tumauini, Isabela.

Nasawi ito dahil sa tinamong mga pinsala sa ulo at katawan matapos malaglag sa kanyang sasakyan.

Ayon sa imbestigasyon, patungong north at tinatahak ng tatlong sasakyan ang palusong na highway sa Barangay Balete nang mangyari ang aksidente.

Nawalan umano ng preno ang pampasaherong bus at binangga nito ang sinusundang closed van.

Sa lakas ng impact, basag ang wind shield ng van at lumusot palabas ang driver na nagulungan pa ng kanya mismong sasakyan.

Kasunod na sinalpok ng pampasaherong bus ang trailer truck na nasa pinakaunahan ng convoy.

Wala namang iba pang nasugatan sa insidente maging sa mga pasahero ng bus.

Nasa kustodiya na ng Diadi Police ang driver ng bus na mahaharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide and damage to properties. (Ronilo Dagos)

The post Van, bus, trak nagkarambola first appeared on Abante Tonite.