Kampanya kontra LTO fixer hinigpitan

January 10, 2023 by No Comments

Pinatindi pa ng Land Transportation Office (LTO) ang kampanya nito upang matuldukan ang modus ng mga fixer sa regional at district offices ng ahensya sa buong bansa.

Kasunod ito ng pagkakaaresto sa dalawang hinihinalang fixer na nasa edad 74 at 34, kapwa naninirahan sa Brgy. Poblacion, Pamplona, nang maaktuhan na nagsasagawa ng ilegal na aktibidad sa opisina ng LTO sa Brgy. Del Rosario, Pamplona, Camarines Sur.

Kasabay nito, muling umapela si LTO Chief Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade, na huwag tangkilikin ang alok na serbisyo ng mga fixer.

Binigyang-diin ni Tugade na ang pagdaan sa “shortcut” at ilegal na paraan ng pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho o pagpaparehistro ng sasakyan ay maglalagay sa panganib sa buhay hindi lamang ng mismong drayber kundi maging ng kanyang mga pasahero at ng mga taong nasa lansangan.

“Importante rin na ang mga pinapa-rehistrong sasakyan ay pasado sa road worthiness para hindi maging mitsa ng aksidente,” dagdag pa ng LTO chief. (Dolly Cabreza)

The post Kampanya kontra LTO fixer hinigpitan first appeared on Abante Tonite.