Ombudsman sisilipin BFAR sa binurong imported fish ban

November 25, 2022 by No Comments

Iimbestigahan ng Office of the Ombudsman ang kautusan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na nagbabawal sa pagbebenta ng mga imported na isda o lamang-dagat sa mga pamilihan.

Nitong nakaraang araw lamang ay inanunsyo ng BFAR na ipinagbabawal diumano ang pagbebenta ng mga imported na isda katulad ng pink salmon at pompano sa mga palengke.

Sabi ng BFAR, ang permit para sa pink salmon at pompano ay para lamang sa mga industrial user tulad ng mga cannery, hotel at restaurant.

Ayon kay Ombudsman Samuel Martires, dapat na ipaliwanag ng BFAR ang inilabas nitong Administrative Order No. 195, series of 1999.

Kinuwestiyon ni Martires kung bakit ngayon lang ipinatupad ang naturang kautusan na noong 1999 pa dapat epektibo.

“You are hereby ordered to conduct an investigation on why the BFAR only implemented recently Fisheries Administrative Order No. 195, as amended, despite its effectivity since 1999,” batay sa inilabas na kautusan ni Martires.

“Further, you shall include in your investigation the anomalies that attended and/or resulted because of this recent implementation by the BFAR of AO No. 195, as amended,” dagdag pa ni Martires.

Binigyan ng Ombudsman ang mga opisyal ng BFAR ng tatlong araw para ipaliwanag ang naging aksyon ng ahensya.

Samantala, inupakan naman ni Senador Imee Marcos ang BFAR na bigo umano sa kampanya laban sa mga fish smuggler lalo pa’t hindi nila nababantayan ang mga online seller.

Sabi ng senador, sisimulan ng BFAR ang pagkumpiska sa mga hindi otorisadong imported na isda Disyembre 4 habang ang seasonal na commercial fishing ban ay mananatili hanggang Pebrero 2023.

Subalit napansin ni Marcos na nag-isyu lang BFAR, na isang attached agency ng Department of Agriculture (DA), ng babala sa mga wet market at supermarket.

“Smugglers selling online are one step ahead of the BFAR. In an increasingly digital world, wet markets and supermarkets are not the only venues for selling smuggled fish and seafood,” sabi ni Marcos.

Paliwanag pa ng senador, sinasamantala umano ng mga dayuhang commercial fishing boat ang closed fishing season mula Nobyembre hanggang Pebrero kada taon at ibinebenta ang kanilang mga huli sa mga ilegal na local trader.

“Traders misdeclare their imports, supposedly for industrial use, then later divert them for retail sale in wet markets and lately through popular online shopping platforms,” sabi pa ni Marcos. (Tina Mendoza/Dolly Cabreza/Dindo Matining)

The post Ombudsman sisilipin BFAR sa binurong imported fish ban first appeared on Abante Tonite.