Puerto Princesa City todo sa unang IRONMAN 70.3

November 10, 2022 by No Comments

Lahat ay ginawa ng Puerto Princesa upang matiyak ang tagumpay sa unang pagdaraos ng IRONMAN 70.3 at magmemorableng karanasan ang mahigit 1,200 triathletes na atat na sa premier endurance race na haharurot sa Linggo (Nobyembre 13) sa Palawan.

“It is our inaugural year and any inaugural year in any location is special,” giit Miyerkoles ni Puerto Princesa City Mayor Lucilo Bayron. “We have over 1,200 triathletes from 26 countries competing in a new race after pandemic. It’s an excellent turnout and we must make it special.”

Natapos nang IRONMAN Group/Sunrise Events, Inc. ang mga triathlon event sa Bohol, Cebu at Subic, nasilip ni general manager Princess Galura ang impresyong binyag ng lungsod sa paghahanda para sa suwabeng pag-arangkada ng 1.9 km swim, 90km bike, 21k run event sa mapaghamong ruta na binuo gaya sa international standard.

Katunayan sinaksihan ng delegasyon ng Puerto Princesa sa pangunguna ni Mayor Bayron at iba pang opisyal, ang Cebu IM 70.3 noong Agosto para mabatid ang pagpaplano, organisa at pamamahala sa kaganapan.

Pero pinahayag ng bagong punong abalang syudad, na una sa kanila na maparanas sa mga kalahok ang ‘race-cation’ sa pambihirang pagkakataon sa mga triathlete na mabisita ang magagarang tanawin sa lugar na tahanan ng ilang na kalikasaang bantog sa mundo.

Kabilang dito ang Puerto Princesa Subterranean River National Park o Underground River, na UNESCO World Heritage Site at isa sa pito sa bagong kababalaghan ng kalikasan.

Hinirit din ng Puerto Princesa ang paglarga ng IM 70.3 sa susunod na dalawang taon na ang edisyon sa 20223 ay rarampahan ng mga pro mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Bukas pa rin ang rehistrasyon sa www.ironman.com/im703-puerto-princesa, puertoprincesa70.3@ironman.com, at sa www.ironman.com.

Paglalabanang mga titulo rito ang individual sa men, women, iba’t ibang age-group, men’s, women’s relay at mixer relay na lalahukan ng Kona at St. George finishers.

Makakalaban ng mga lokal para sa mga pangunahing karangalan ang mga pambato ng US, Hong Kong, Guam, Singapore, France, United Kingdom, Australia, India ,Japan, Brazil, Thailand, Netherlands, South Africa, Vietnam, New Zealand, Ireland, Spain, Italy, Sweden, Turkey, Korea, Kazakhstan, Malaysia, Saint Lucia at Guatemala.

Mga padrino sa event ang Active, Athletic Brewing Co., Breitling, Fulgaz, Gatorade, Hoka Fly Human Fly, Hyperice, Qatar Airways, ROKA, Santini, Vinfast, Wahoo, Always Advancing, Compressport, Ekoi, Outside, Sportograf.com, Alaska, Lightwater, Prudential Guarantee, Rudy Project, Santé, One Sport, Cignal at Philippine Star.

Gayundin ang Alvea Puerto Princesa, Costa Palawan Resort, Fersal Hotel, Go Hotels, Hotel Centro, HUE Hotel and Resorts, Jeamco Royal Hotel, Princesa Garden Island Resort and Spa at Sunlight Hotel Puerto Princesa. (Ramil Cruz)

The post Puerto Princesa City todo sa unang IRONMAN 70.3 first appeared on Abante Tonite.