DFA binuking ni Roque sa inipit na donasyong fertilizer ng China

December 9, 2022 by No Comments

Nilantad ni dating presidential spokesperson Atty. Harry Roque na tila tinutulugan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang 22,000 toneladang fertilizer na libreng ibinibigay ng China sa Pilipinas.

Sa panayam ng `Politiskoop’, sinabi ni Roque na handa na ang China na magbigay ng fertilizer sa Pilipinas pero hindi ito mapadala dahil hindi aniya inaasikaso ng DFA ang papeles para sa shipment ng mga abono.

“Mayroon ng 22,000 metric tons na fertilizer na ibibigay ang People’s Republic of China at `yan ay na-communicate na,” wika ni Roque.

“Pero apparently, no one in the DFA has taken any steps para ilagay na in writing `yung ating request,” dagdag pa ng dating kalihim.

Napatanong tuloy si Roque kung sino sa DFA ang humaharang sa mga libreng fertilizer na aniya’y kailangan ng mga magsasaka.

“Ang tanong ko, bakit ganun? Sino sa Department of Foreign Affairs ang tumututol sa libreng fertilizer na hiningi ni Presidente Bongbong Marcos, at ngayon naman ay walang ginagawang hakbang para makarating na ‘yung libreng fertilizer dito sa Pilipinas?” ani Roque.

Mungkahi ni Roque ay sana’y isantabi na aniya ang mga pananaw ng iba at unahin ang pagtulong sa mga Pilipino, lalo sa mga magsasaka. (Ray Mark Patriarca)

The post DFA binuking ni Roque sa inipit na donasyong fertilizer ng China first appeared on Abante Tonite.